6.15.2006

Fire Tree


Tinatamad ako parating bumangon sa umaga. Iniisip ko kasi, “hay, papasok na naman ako, kaburyong na naman.” Isang araw na naman ang babakahin ko para maghanapbuhay.

Ganun din naman ang naramdaman ko kanina. Nakakatamad ang umaga. Palibhasa, hindi naman ako “morning person”. Lagi nga akong huli sa pagpasok (ipagmalaki raw ba? Eheheh). Pero may kakaiba bago ako makalabas ng UP Campus*.

8:45 na sa relo namin. Advanced ito ng 20 minutos sa tootong oras pero dahil alas-nueve ang pasok, kailangan ko pa ring magmadali kahit na alam kong male-late na naman ako. Kaya ayun, nagmamadali na akong lumabas ng bahay at sumakay ng pedicab.

Pagdating ko sa may Vinzons Hall, nanalangin na naman ako na sana ay may dumating agad na jeep rutang Philcoa habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng nagmamadali rin para pumasok sa mga klase nila. Haaay… Nakaka-miss ding maging estudyante – ang pumasok ng late, matulog saglit sa upuan, makipagkulitan sa kaklase at makinig sa guro.

Simpleng araw lang di ba? Pero ewan ko. Mas magaan ang pakiramdam ko kanina. Namumukadkad na naman kasi ang mga fire tree sa campus. Matingkad na matingkad ang pagkapula ng mga bulaklak ng malaking puno. Marami sila. Nakakalat sa buong campus. Nakakatuwa talagang pagmasdan. Para akong turistang namamasyal at manghang-mangha sa nakikita.

Parang ang gaang kasi ng feeling (kahit hindi ako nag-ivory >>>korni!) kapag nakakakita ka ng ganung tanawin na bihirang-bihira mong makikita sa siyudad pwera na lang kung nasa parke ka. Bukod nga sa Fire Tree, marami pang iba-ibang halaman ang namumukadkad. (Hindi ko nga lang alam ang pangalan nila.) Meron sa Lagoon, sa Sunken, sa University Avenue at kung saan-saan pa. Parang nakalimutan ko na ngang bumabiyahe ako papuntang opisina at nangarap na lang ng kung anu-ano.

So ano ngayon ang punto ko? eheheh. Wala lang. Naalala ko nga yung sabi ni Ma’am Hidalgo, naging guro ko sa EspaƱol III, paminsan, kailangan din nating i-appreciate ang paligid natin, lalo na ang nakakasariwang senaryo ng mga puno’t halaman sa UP para hindi tayo ma-stress sa kung anu-anong bagay.

Iba pa rin ang kagandahan ng kalikasan. Walang kapantay.


* Sa pansol lang ako nakatira, sa likod ng Vinzons Hall, UP Diliman.