7.11.2006
ulap
ganito pala ang pakiramdam ng isang malapit nang maging magulang…
madalas,
kapag wala kang magawa,
naghihintay man ng sasakyan o habang nasa biyahe,
at maski man habang abala ka,
bigla na lang lilipad ang iyong utak
sa piling ng mga ulap
at mangangarap ng pinakamamagandang bagay
para sa pinakahihintay na sanggol,
na siyang lagi mong pinakikiramdaman
sa loob ng iyong sinapupunan.
maraming kang ninanais.
paglabas niya,
bibilhan mo siya ng pinakamagagarang damit,
nakakatuwang laruan,
lahat ng kagamitan para sa kaniyang pangangailangan.
pingapangarap mo na siyang
ayusan, paliguan, lampinan,
halikan, laruin, yakapin,
aalagaan.
nais mo na sa murang edad,
sana’y magkaroon na siya ng hilig sa pag-aaral.
matutong magbilang at umawit sa edad na dalawa,
sumulat sa edad na tatlo,
bumasa sa edad na apat.
At sana paglaki niya
maging ganito o ganoon siya.
isang doktor, inhinyero, propesor, abogado…
basta kilala’t lisensyado.
o kaya naman ay sikat na kompositor, gitarista, mang-aawit,
manunulat, nobelista, siyentista, pintor o atleta.
mga pangarap mo siguro na hindi naisakatuparan,
hangad mong maging kapalaran niya.
sa iyong sapantaha ay gagawin ang lahat ng makakaya.
lahat upang lumaki siyang may dignidad at mabuting taong
kapakibakinabang sa kapwa at bayan
sa bandang huli,
iyong maaalala ang iyong mga magulang,
at iyong matatanto na sila man,
sa ganitong yugto ng kanilang buhay
ay minsang nangarap din
sa piling ng mga ulap.
Subscribe to:
Posts (Atom)