9.26.2006

'Di Biro

(Mahabang kwento)

Matagal ko nang inasahan ko ‘yon. ‘Di talaga biro ang manganak…

Pagkatapos kong mag-leave sa opisina noong kalagitnaan ng Agosto, ‘di na ako mapakali sa kakaisip kung kalian ako manganganak. Bawat araw, naghihintay ako ng mga senyales na manganganak na ko – paghilab ng tiyan, pagputok ng panubigan, at kung anu-ano pa. Gusto ko na agad manganak dahil bukod sa nais ko nang makita ang magiging anak namin ni Benjie, gusto ko nang pagdaanan ang sakit ng panganganak. Sa totoo kasi, takot akong manganak dahil ang sabi nila, masakit manganak. Mahina kasi ang tolerance ko sa sakit. Naisip ko, konting galos nga lang iniinda ko na ang sakit, ang manganak pa kaya. Haha! Kamusta naman ‘yon? Pero kinaya ko naman kaya nga heto’t nagsusulat ako para ikwento sa inyo ang pinagdaanan ko.

Ika-28 ng Agosto, nagpatingin ako sa doktor. “2 to 3 days na lang…” at manganganak na daw ako. Hay naku, lalo akong nasabik dahil sa wakas, makikita ko na rin ang anak namin. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko noon dahil sigurado na akong malapit na ang araw na hinihintay ko. Ibinalita ko na ito agad kay Benjie at sa lahat ng mga nakakasalubong kong kakilala. Excited! Hehe. Bumili na ako ng mga karagdagang gamit at pagkain para sa pamamalagi sa ospital. Simula noong araw na iyon, hindi na ako makatulog nang maayos sa gabi dahil naghihintay ako kung sasakit na ang tiyan ko. Maaga na ang makatulog ako ng alas quatro ng madaling araw. Hindi pala maaga ‘yon, “umaga” na.

Ika-30 ng Agosto, alas tres na umaga, dinugo na ako. Nabanggit sa ‘kin ng isang kakilala na ganito rin ang nangyari sa kaniya bago siya nanganak. Kaya naman, ayun, hindi na ako natulog dahil hinihintay kong sumakit ang tiyan ko. Ginising ko na si Benjie at nagtext kami sa sa Tita Grace niya (doktor) ko. Nagreply naman agad at hintayin daw naming humilab ang tiyan ko bago magpunta sa ospital (sa Calumpit dahil doon siya nakadestino). Alas siyete ng umaga ng naramdaman ko nang humihilab ang tiyan ko. Hindi naman siya ganoon kasakit kaya nag-alangan kami kung pupunta na kami sa Calumpit pero napagdesisyunan na rin naman tumuloy doon.

Tanghali na nang dumating kami doon. Akala ko sa ilang sandali ay manganganak na ako noong araw na ‘yon. Pina-admit na ko sa ospital at pinalagyan ng dextrose. Ang haba ng karayom na ginamit, in fairness, masakit. Nilagyan na rin ng pampahilab ang dextrose ko para mabilis ang paghilab. But no! Ang tagal niya at natitiis ko pa rin ang sakit. (Yung hilab pala ay pawala-wala. Akala ko kasi walang tigil. May pagitan rin na ilang minuto, at pag manganganak ka na talaga, ilang segundo na lang.) Akala ko pa naman manganganak na ko nang araw na iyon pero hindi pa pala. Pinapalitan na ang dextrose ko nang bagong pampahilab, mas matindi ito. At iyon na nga, noong hating-gabi habang 24 oras ang palabas hanggang Reporter’s Notebook (nanonood kasi kami sa kwarto ng doktor ko) humilab na nang matindi. Maya-maya lang ay dinala na ako sa operating room.

Agosto 31, ala una ng umaga. Painless daw ang gagawin sa ‘king operasyon. Papatulugin daw ako. Akala ko naman, pagkatulog ko, tapos na ang paghihirap ko. Painless daw e. But no! Kapag humihilab ang tiyan ko, kailangan pang umire. Oh well, ang wirdo nga e. Feeling ko nagsasalita ako habang natutulog at bigla na lang akong nagigising para umire. Ehehe. Nakawalong ire daw ako bago ako nanganak. Ang gara nga e. Nung naramdaman kong lumabas na ang bata, dire-diretso na ang tulog ko. Ni hindi ko na nakita si Zyric paglabas na paglabas niya, ni hindi ko nga siya narinig na umiyak. Ginising na lang nila ako nung umaga dahil gutom na si Zyric. Parang ayoko pang bumangon noon dahil bangag pa ako, sa pampatulog at pagod din siguro. Pero bumangon na rin ako dahil umiiyak na si Zyric. Hindi ko mapaliwanag kung anong pakiramdam nang nakita ko siya. Siya pala yung gumagalaw-galaw sa tiyan ko dati. Siya pala yon… At malaki nga siyang bata. Kumpara sa ibang mga bata na kasabayan niya, malaki siya talaga at mukhang matitibay na ang mga buto. Nakakatuwa nga dahil marunong siyang makinig kapag kinakausap… Haaay…

Paggising ko, ang hirap bumangon dahil sa operasyon. Ang hirap ding maupo at maglakad. Isang linggo ang lumipas bago ako nakakilos-kilos ng normal.

Ang dami ko pang gustong ikwento kaya lang ang haba na nito at may pinapagawa sa ‘king bago dito sa opisina.

Hanggang sa muli! Ciao!

7.17.2006

kung anek-anek lang

  • ang tagal ko nang hindi nakapagsulat. ang dami kong balak dating isulat pero ni isa sa mga iyon e hindi ko nagawa. haaayyzzz
  • hapi kasi nakapagpa-sound na ko. mukha naman healthy si baby. boy pala siya – taliwas ito sa mga hula na babae siya. pero what if, paglaki niya pala saka siya magiging babae. ehehe!
  • laki na ng tiyan ko. kailangan ko na talagang mag-leave. sana sa end na ng July o kaya mga august 4. kailangan ko na yatang magpaalam.
  • di ko na pala kailangang mag-diet dahil normal naman ang laki ni baby. yehey!!!
  • iniisip ko kung gaano kasakit ang manganak. “wake me up when september ends…”
  • tinatamad pa rin akong magtrabaho. (ano naman ang bago don? haha!)
  • ang dami kong gustong gawin: gusto kong magbasa ng inquirer, magbasa na kung anong ibang mababasa, magsulat, maglaro, kumain ng saging, cloud 9, chocolate at ice cream, gusto ko ng iced tea, manood ng sine, matulog. zzzzzz…
  • makasulat kaya ako ng matinong article mamya? ewan. darating na ang mga bossing maya-maya lang kaya kailangang magbusy-bushan. wahahaha! bahala na si Bugs Bunny

7.11.2006

ulap



ganito pala ang pakiramdam ng isang malapit nang maging magulang…

madalas,
kapag wala kang magawa,
naghihintay man ng sasakyan o habang nasa biyahe,
at maski man habang abala ka,
bigla na lang lilipad ang iyong utak
sa piling ng mga ulap
at mangangarap ng pinakamamagandang bagay
para sa pinakahihintay na sanggol,
na siyang lagi mong pinakikiramdaman
sa loob ng iyong sinapupunan.

maraming kang ninanais.
paglabas niya,
bibilhan mo siya ng pinakamagagarang damit,
nakakatuwang laruan,
lahat ng kagamitan para sa kaniyang pangangailangan.

pingapangarap mo na siyang
ayusan, paliguan, lampinan,
halikan, laruin, yakapin,
aalagaan.

nais mo na sa murang edad,
sana’y magkaroon na siya ng hilig sa pag-aaral.
matutong magbilang at umawit sa edad na dalawa,
sumulat sa edad na tatlo,
bumasa sa edad na apat.

At sana paglaki niya
maging ganito o ganoon siya.
isang doktor, inhinyero, propesor, abogado…
basta kilala’t lisensyado.
o kaya naman ay sikat na kompositor, gitarista, mang-aawit,
manunulat, nobelista, siyentista, pintor o atleta.

mga pangarap mo siguro na hindi naisakatuparan,
hangad mong maging kapalaran niya.

sa iyong sapantaha ay gagawin ang lahat ng makakaya.
lahat upang lumaki siyang may dignidad at mabuting taong
kapakibakinabang sa kapwa at bayan

sa bandang huli,
iyong maaalala ang iyong mga magulang,
at iyong matatanto na sila man,
sa ganitong yugto ng kanilang buhay
ay minsang nangarap din
sa piling ng mga ulap.

6.29.2006

dahil nahihilig ako ngayon sa saging...

My japanese name is Saruwatari (monkey on a crossing bridge); Michiyo (three thousand generations).

halaw sa: %20Take'>http://rumandmonkey.com/widgets/toys/namegen/969/

6.28.2006

kwentong daga

May bubwit (maliit na daga) na namang nategi dito sa office. Pangalawa na siya sa nabitag sa poison jelly na inilagay sa sahig.

Palagay ko, maraming daga rito. Katabi kasi ng office namin ay isang commissary. Maraming pagkain dun kaya malamang ay dun nanggagaling ang mga daga. Dumadayo siguro sila dito sa opisina para kalkalin ang mga basura ng mga pinagmeryendahan naming biskwit at chichirya. Tsk, tsk, tsk. Wish ko nga lang, sana kumain na lang sila dito, kaso hindi! Dito pa sila minsan nagpupupu at nagweeweewee. Gawin daw ba kaming banyo?

*bleep*bleep*

Naalala ko tuloy yung cookies ko sa bahay. Uuwi ko pa naman sana 'yon sa kapatid ko kaya lang huli na ang lahat dahil natagpuan ng mama ni benjie ang bag kong kinalalagyan ng cookies ay butas na. Huhuhuhuhu. Isang daga ang pinaghihinalaan naming gumawa ng krimen. Pero ang nakapagtataka, parihaba ang sukat ng butas na ginawa niya sa bag ko. Pramis, parang ginamitan pa niya yun ng ruler at gunting. Pantay na pantay e. Ang galing! (Ayus! Apir! hehe). Bukod pa roon, walang kalat na nakita na loob o paligid ng bag para magpatunay na nginatnat niya ang bag. Pati sa bag ng cookies, walang bakas na kumain ang daga. Ano yon? Kumain siya ng isang buong piraso? Wala kasing durog-durog na cookies kaming nakita. Parang tao nga ang kumain e. Pero yung plastik ng bag, mukhang nginatngat nga ng daga, pero again, walang bakas ng kalat.

Hmmm... Sa palagay ko ay kailangan ko ng tulong ni Gosh Abelgosh at ng kaniyang SOCO team upang malutas ang kasong ito...

6.20.2006

Wow! Isang Bilyon! Kamusta naman yon?

Maglalaan daw si Ate Glue ng isang bilyong dagdag sa budget ng mga militar para lipulin ang mga rebeldeng NPA sa loob ng dalawang taon. Kamusta naman ito?

Nakakalungkot na maliit na nga ang budget ng Pilipinas para sa mga serbisyong pampubliko, malaking bahagi sa mga ito ang kundi naibubulsa ng mga “magagaling nating pulitiko”, naitatapon lang sa mga walang kabuluhang bagay. Tsk, tsk, tsk.

At ito na nga. Si Ate Glue ay magsasayang ng P 1 Bilyon para masugpo ang mga rebelde. Di ba kalokohan?!?

Unang-una, ganoon ba kalaki at katindi ang pangangailangan para sugpuin sila? Isa ba silang napakalaking suliranin ng bansa? Para sa akin, hindi. Tumitinding kahirapan pa rin ang nangungunang problema ng mga Pilipino. Habang ang iilan ay patuloy na yumayaman, napakarami ang nalulubog sa hirap. NPA ba ang dahilan nito? Isang malaking HINDI! Kaya may mga magsasaka, manggagawa, estudyante, kababaihan na nagpupunta sa kabundukan ay dahil iyon sa malawakang suliraning sosyal at ekonomikal sa bansa na sa kanilang sapantaha ay malulutas ng pagsusulong ng kamalayang komunista. Kung gayon, ang NPA ang bunga at hindi sanhi.

Kinakampihan ko ba ang mga NPA? Ang sa akin lang naman, kung nilalaan na lang ba niya yung isang bilyon para sa mga makabuluhang problema ng pagpuksa ng ugat ng kahirapan sa bansa e di kahit papaano ay may mas marami ang nakikinabang at hindi ang iilan lang.

Pangalawa, ilang dekada na ang nakakalipas at nandiyan pa rin ang mga komunista. Anong ibig sabihin nito? Tila naman malapit sa imposible ang gustong ito ni Ate Glue. Hindi naman basta-basta lamang ang pagpuksa sa mga NPA, lalo na at nililimita niya ito sa dalawang taon. Anong balak niya? Ipamasaker kay dakilang “Palparan” at mga alagad ang lahat ng ma-sense nilang komunista? Ano na naman ito? Hindi naman, sa aking palagay, sandamakmak na bala ang sagot upang puksain ang isang salungat na prinsipyo.

Isa pa, ilang inosenteng sibilyan na naman kaya ang madadamay sa walang patutunguhang labanang ito? At ang sabi pa ng ating (in)justice secretary na si Gonzales, natural lang ang mga ganitong pagkakataon. Ito daw ang “collateral damage” na tinatawag. E ngayon pa nga lang, ilang daan na bang mga aktibista, lider manggagawa at mamamahayag ang hindi pa nabibigyan ng katarungan ang kamatayan sa rehimen ni Ate Glue? Isipin niyo na lang kung gaano kalaking “collateral damage” ang maidudulot ng “pangarap” na ito ni Ate Glue…


Panghuli, alam naman ng marami na sa mga bulsa lang ng mga heneral natin mahuhulog ang malaking bahagi ng isang bilyon na yan. E meron nga silang bakasyunan sa Boracay di ba? Talagang binubusog sila ni Ate Glue dahil sila ang kaniyang natatanging sandalan para manatili sa iskwater niya sa Malacañang. Kaya nga nagkaroon ng pagtatangka ng coup d’etat ang grupong Magdalo di ba?

O siya, siya, sino kaya ang sasagot sa mga katanungan ko. A alam ko na! Korni pero siya yun… “Hello, Garci?!?”

6.15.2006

Fire Tree


Tinatamad ako parating bumangon sa umaga. Iniisip ko kasi, “hay, papasok na naman ako, kaburyong na naman.” Isang araw na naman ang babakahin ko para maghanapbuhay.

Ganun din naman ang naramdaman ko kanina. Nakakatamad ang umaga. Palibhasa, hindi naman ako “morning person”. Lagi nga akong huli sa pagpasok (ipagmalaki raw ba? Eheheh). Pero may kakaiba bago ako makalabas ng UP Campus*.

8:45 na sa relo namin. Advanced ito ng 20 minutos sa tootong oras pero dahil alas-nueve ang pasok, kailangan ko pa ring magmadali kahit na alam kong male-late na naman ako. Kaya ayun, nagmamadali na akong lumabas ng bahay at sumakay ng pedicab.

Pagdating ko sa may Vinzons Hall, nanalangin na naman ako na sana ay may dumating agad na jeep rutang Philcoa habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng nagmamadali rin para pumasok sa mga klase nila. Haaay… Nakaka-miss ding maging estudyante – ang pumasok ng late, matulog saglit sa upuan, makipagkulitan sa kaklase at makinig sa guro.

Simpleng araw lang di ba? Pero ewan ko. Mas magaan ang pakiramdam ko kanina. Namumukadkad na naman kasi ang mga fire tree sa campus. Matingkad na matingkad ang pagkapula ng mga bulaklak ng malaking puno. Marami sila. Nakakalat sa buong campus. Nakakatuwa talagang pagmasdan. Para akong turistang namamasyal at manghang-mangha sa nakikita.

Parang ang gaang kasi ng feeling (kahit hindi ako nag-ivory >>>korni!) kapag nakakakita ka ng ganung tanawin na bihirang-bihira mong makikita sa siyudad pwera na lang kung nasa parke ka. Bukod nga sa Fire Tree, marami pang iba-ibang halaman ang namumukadkad. (Hindi ko nga lang alam ang pangalan nila.) Meron sa Lagoon, sa Sunken, sa University Avenue at kung saan-saan pa. Parang nakalimutan ko na ngang bumabiyahe ako papuntang opisina at nangarap na lang ng kung anu-ano.

So ano ngayon ang punto ko? eheheh. Wala lang. Naalala ko nga yung sabi ni Ma’am Hidalgo, naging guro ko sa Español III, paminsan, kailangan din nating i-appreciate ang paligid natin, lalo na ang nakakasariwang senaryo ng mga puno’t halaman sa UP para hindi tayo ma-stress sa kung anu-anong bagay.

Iba pa rin ang kagandahan ng kalikasan. Walang kapantay.


* Sa pansol lang ako nakatira, sa likod ng Vinzons Hall, UP Diliman.

5.29.2006

mukhang ewan...


Mukhang ewan talaga ako kanina. Ewan ko ba! Kasi paggising ko, parang akong depressed na hindi ko malaman. Hindi ko alam kung bakit parang naiiyak ako. Tapos, ayun nga, naiyak nga ako nung nagpapaalam na labidabi ko na papasok na siya.

*bleep*bleep*

Hindi ko napigil yung luha ko. Tuloy-tuloy lang siyang pumatak. Para akong bata na iiwan ng magulang. Well, maiiwan naman talaga akong mag-isa pag-alis niya pero hindi naman siguro dahilan 'yon para umiyak ng ganun. Nang tinanong ako kung bakit ako umiiyak, ang sabi ko: "aalis ka na kasi e". Hindi ko talaga alam ang dahilan kung bakit ako umiyak kanina. Basta yun na lang ang nasabi ko.

Buti na lang, mukhang maganda naman ang mood ni labidabs. Pinatahan muna ako bago siya umalis. At nagpatawa pa bago nakalagpas na eskinita namin. Umutot sabay aktong lilipad na parang si Superman. Wahahaha! Namimiss ko na tuloy 'yon.

*bleep*bleep* (ulit ^_^)

Haaayzzz... Nga pala, sa June 11, 2 years na kami. Waaah... 2 years! Akalain niyo 'yon?!? Ilang beses na rin kaming dapat naghiwalay pero eto, magkasama pa rin at madaragdagan pa, ng baby. Kahit mukhang maikling panahon lang dalawang taon, para sa amin, matagal na rin 'yon, tila dalawang dekada ng pakikibaka at walang katiyakan. Naks! Ang lalim.

Haaay... excited na nga kaming makita ang baby namin.

Tsaka ko na lang siguro ikwekwento ang kahindik-hindik (ahahaha) na istorya namin. Balak kong gumawa ng entry para sa aming anibersaryo. Yung tipong maiiyak ako at ang mga mambabasa. Wehehe ^_^ Echusa lang. Para lang may something special... May ganun pang nalamaman e no?!?

Ciao!

Iba naman sana...


Noong nakaraang linggo, hindi ko matanggap sa limang araw, lunes hanggang biyernes, microwaved Peri-Peri chicken ang ulam namin sa tanghalian dito sa opisina. har har har... Isipin niyo naman 'yon. Pinipilit ko na nga lang kumain para sa baby ko. ahuhuhuhuhu...

echos! tama na ang drama! ehehe. Pero sana naman, ngayong araw na 'to, iba naman ang ulam namin.

5.26.2006

Welkam!

At ngayon, makikiblog na rin ako. eheheh ^_^Isa na ito ngayon sa mga venues ko para magpalipas oras, mag-angas, mag-aliw, magtoyo, maglabas ng opinyon, magbulalas ng damdamin ("magbulalas" --> nakuha ko kay jaq), at kung anu-ano pa.

Oh well ^_^ Pano ko 'to nalaman? Paminsan kasi nang wala akong magawa e pina-check sa kin ni tonton, isang maasahang kaibigan (asus!), ang blog niya (check niyo: http://tontoronton.blogspot.com/) tsaka yung isa pang blog (http://akosiyol.blogspot.com/). Sino si yol? Hindi rin namin kilala e. ehehe. Pero pramis, kaaliw yung blog niya. Halos texts lang naman ang mga nandoon sa blog niya. Kung meron mang picture, patawa lang. Well, he's a good creative writer; I assure you that. Kaya kung gusto niyong matawa o maglibang sa gitna ng mga kaguluhan inyong nararanasan sa panahong ito, anuman ang inyong ginagawa, aba'y go, visit his site.

So anong koneksyon nun sa kwento ko? ehehe. Ayun. Na-inspire din kasi akong gumawa ng blog na masaya at worthwhile basahin. Actually, I am a frustrated creative writer kasi. Yikes! sounds so coño. Lech! ehehe. Mas gamay ko ang pagsusulat sa Filipino talaga kaya eto, sinusubukan kong gumawa ng isang makabuluhang komposisyon. Echos! Basta yun na yun. Getsky?

O siya, siya, sige na. Sa susunod ulit pag may bago akong ideya. ciao!