(Mahabang kwento)
Matagal ko nang inasahan ko ‘yon. ‘Di talaga biro ang manganak…
Pagkatapos kong mag-leave sa opisina noong kalagitnaan ng Agosto, ‘di na ako mapakali sa kakaisip kung kalian ako manganganak. Bawat araw, naghihintay ako ng mga senyales na manganganak na ko – paghilab ng tiyan, pagputok ng panubigan, at kung anu-ano pa. Gusto ko na agad manganak dahil bukod sa nais ko nang makita ang magiging anak namin ni Benjie, gusto ko nang pagdaanan ang sakit ng panganganak. Sa totoo kasi, takot akong manganak dahil ang sabi nila, masakit manganak. Mahina kasi ang tolerance ko sa sakit. Naisip ko, konting galos nga lang iniinda ko na ang sakit, ang manganak pa kaya. Haha! Kamusta naman ‘yon? Pero kinaya ko naman kaya nga heto’t nagsusulat ako para ikwento sa inyo ang pinagdaanan ko.
Ika-28 ng Agosto, nagpatingin ako sa doktor. “2 to 3 days na lang…” at manganganak na daw ako. Hay naku, lalo akong nasabik dahil sa wakas, makikita ko na rin ang anak namin. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko noon dahil sigurado na akong malapit na ang araw na hinihintay ko. Ibinalita ko na ito agad kay Benjie at sa lahat ng mga nakakasalubong kong kakilala. Excited! Hehe. Bumili na ako ng mga karagdagang gamit at pagkain para sa pamamalagi sa ospital. Simula noong araw na iyon, hindi na ako makatulog nang maayos sa gabi dahil naghihintay ako kung sasakit na ang tiyan ko. Maaga na ang makatulog ako ng alas quatro ng madaling araw. Hindi pala maaga ‘yon, “umaga” na.
Ika-30 ng Agosto, alas tres na umaga, dinugo na ako. Nabanggit sa ‘kin ng isang kakilala na ganito rin ang nangyari sa kaniya bago siya nanganak. Kaya naman, ayun, hindi na ako natulog dahil hinihintay kong sumakit ang tiyan ko. Ginising ko na si Benjie at nagtext kami sa sa Tita Grace niya (doktor) ko. Nagreply naman agad at hintayin daw naming humilab ang tiyan ko bago magpunta sa ospital (sa Calumpit dahil doon siya nakadestino). Alas siyete ng umaga ng naramdaman ko nang humihilab ang tiyan ko. Hindi naman siya ganoon kasakit kaya nag-alangan kami kung pupunta na kami sa Calumpit pero napagdesisyunan na rin naman tumuloy doon.
Tanghali na nang dumating kami doon. Akala ko sa ilang sandali ay manganganak na ako noong araw na ‘yon. Pina-admit na ko sa ospital at pinalagyan ng dextrose. Ang haba ng karayom na ginamit, in fairness, masakit. Nilagyan na rin ng pampahilab ang dextrose ko para mabilis ang paghilab. But no! Ang tagal niya at natitiis ko pa rin ang sakit. (Yung hilab pala ay pawala-wala. Akala ko kasi walang tigil. May pagitan rin na ilang minuto, at pag manganganak ka na talaga, ilang segundo na lang.) Akala ko pa naman manganganak na ko nang araw na iyon pero hindi pa pala. Pinapalitan na ang dextrose ko nang bagong pampahilab, mas matindi ito. At iyon na nga, noong hating-gabi habang 24 oras ang palabas hanggang Reporter’s Notebook (nanonood kasi kami sa kwarto ng doktor ko) humilab na nang matindi. Maya-maya lang ay dinala na ako sa operating room.
Agosto 31, ala una ng umaga. Painless daw ang gagawin sa ‘king operasyon. Papatulugin daw ako. Akala ko naman, pagkatulog ko, tapos na ang paghihirap ko. Painless daw e. But no! Kapag humihilab ang tiyan ko, kailangan pang umire. Oh well, ang wirdo nga e. Feeling ko nagsasalita ako habang natutulog at bigla na lang akong nagigising para umire. Ehehe. Nakawalong ire daw ako bago ako nanganak. Ang gara nga e. Nung naramdaman kong lumabas na ang bata, dire-diretso na ang tulog ko. Ni hindi ko na nakita si Zyric paglabas na paglabas niya, ni hindi ko nga siya narinig na umiyak. Ginising na lang nila ako nung umaga dahil gutom na si Zyric. Parang ayoko pang bumangon noon dahil bangag pa ako, sa pampatulog at pagod din siguro. Pero bumangon na rin ako dahil umiiyak na si Zyric. Hindi ko mapaliwanag kung anong pakiramdam nang nakita ko siya. Siya pala yung gumagalaw-galaw sa tiyan ko dati. Siya pala yon… At malaki nga siyang bata. Kumpara sa ibang mga bata na kasabayan niya, malaki siya talaga at mukhang matitibay na ang mga buto. Nakakatuwa nga dahil marunong siyang makinig kapag kinakausap… Haaay…
Paggising ko, ang hirap bumangon dahil sa operasyon. Ang hirap ding maupo at maglakad. Isang linggo ang lumipas bago ako nakakilos-kilos ng normal.
Ang dami ko pang gustong ikwento kaya lang ang haba na nito at may pinapagawa sa ‘king bago dito sa opisina.
Hanggang sa muli! Ciao!
2 comments:
Haha! Detalyadong kwento ng panganganak ito! Hihintayin ko ang mga litrato at susunod na kwento tungkol sa iyong anak. :-)
nakakatakot manganak... pero gusto ko magkabeybi (nyahahack gulo ko!) lapit na beydey ng inaanak ku!
Post a Comment