Subukan mong sumakay sa MRT sa kasagsagan ng tao (rush hour: 7a-8a at 6p-7p) at siguradong maiisip mong walang disiplina ang mga Pilipino.
Sa pagpila sa pagbili ng tiket, pagpapainspeksyon sa gwardiya, pagsakay sa escalator, sa pagpasok at paglabas ng tren, talamak ang singitan, siksikan, balyahan, tulakan… imagine mo, kapag nasa punto nang nasa bukana ka na ng tren ay walang ka-effort-effort kang makakapasok sa loob nito dahil sa lakas ng pwersa ng mga taong nagtutulakan sa likod mo. At hindi lang yon, may bonus pa, marami kang makaka-close, pwedeng “figurally” pero sa lahat ng pagkakataon, magiging ka-close mo sila “literally”, as in kulang na lang ay makapalitan mo na ng mukha ang katabi mo. Putekkk!!! Ipagdasal mo na lang na fresh pa ang hininga balat ng kasiksikan mo at kung hindi ay malas mo na lang!
Ito ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw kong sumakay sa MRT. Kaya lang, kung iisipin ko ang mega-traffic na sasagupain ko sakaling mag-bus ako sa EDSA, “de bale na lang dong, makepagseksekan na lang aku sa trin.”
Ilang araw ko na ring pinag-isipan kung bakit ganito ang mga Pilipino – madalas na walang pasensya sa mga bagay-bagay. Ayaw na naghihintay. Hangga’t kayang sumingit sisingit. Kahit naka-red ang traffic light, kung mukhang ok naman, sige pa rin. Kung pwedeng idaan sa fixer para mas mabilis, magbabayad na lang nang kahit magkano. Sa madaling salita, walang disiplina.
E bakit nga ba ganito tayo?
Nung una, iniisip ko na maiuugat ito sa kasaysayan. Kung paano namuhay at tinatrato ang mga Pilipino mula noong panahon ng Kastila at Amerikano. Siguro ay dito natin nakuha ang ganitong kultura. Pero may katagalan na ‘yon di ba? Bakit hanggang ngayon ay wala tayong totoong konsepto ng kahit “pagpila” man lang ng matiwasay at “paghihintay” sa tamang oras sa mga bagay-bagay.
Nung isang araw ay may bigla akong naisip, di ko maalala kung paano pumasok sa magulong utak ko ang konseptong ito – represyon. Repressed tayo sa maraming bagay kaya naman kailangan nating i-channel out ang mga angst na nararamdaman sa mga paraang maaari nating ilabas ito. Sa pagod mo sa pagpapagalit ng magulang mo, sa bunganga ng asawa mo, sa mga kachuvahan ng mga anak mo, sa panlalait sayo ng biyenan mo, sa chismis ng mga kapitbahay at katrabaho mo, sa pang-aalipin sayo ng boss mo, sa laki ng mga bayarin at patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa kabila ng kakarampot mong sweldo, maging sa panloloko sayo ng gobyerno mo (partikular ng “pangulo” mo), sa maduming pulitika sa bansa, at sa kung anu-ano ka-imbyernahang nararanasan ng isang karaniwang manggagawang Pilipino, pati ba naman pagkakataong makapasok sa opisina sa tamang oras para maganda ang rekord at makauwi ng bahay nang maaga upang makapagpahinga ay ipagkakait pa ba nila? Ubos na ang pasensiya sa lahat ng represyong nararanasan mo kaya wala kang sasantuhin kahit matandang uugod-ugod o batang ngawa nang ngawa makakuha ka lang kahit na pwesto sa loob ng tren. Makahinga ka lang, pwede na yon. Ilang minuto lang naman ang kailangan mong tiisin.
Pero hindi sa lahat ng oras ay pwede yan... malas mo kapag hindi umubra ang angas mo sa siningitan mo. Mapapaaway ka nang ‚di oras.
Haayzzz... ayan. Oras na ng pag-uwi ko at sasakay na naman ako sa MRT.
Isang malaking GOOD LUCK.
No comments:
Post a Comment